Kapitan ng barangay pinugutan ng Abu SayyafMANILA, Philippines – Isa sa tatlong bihag ng bandidong grupong Abu Sayyaf ang pinugutan ng ulo sa Sulu.
Nakilala ang biktima na si Rodolfo Bulagao, kapitan ng Barangay Aliguay Islan ng Dapitan City, Zamboanga del Norte.
Natagpuan ang ulo ni Bulagao bandang 9:45 kagabi sa Barangay Labah sa bayan ng Maimbung.
Dinukot ng Abu Sayyaf ang biktima noong Mayo 4 kasama pa ang dalawang miyembro ng Philippine Coast Guard na sina 2nd Class Gringo Villaruz at Seaman 1st Class Rod Pagaling.
Walang tiyak na dahilan sa pagpugot ng ulo ni Bulagao, ngunit nitong Hunyo ay nagbabala ang bandidong grupo na papatayin nila ang kanilang mga bihag kung hindi magbibigay ng randsom money ang gobyerno.
Kumalat sa social media ang video kung saan nanawagan ang Abu Sayyaf. Ipinakita pa sa naturang video ang tatlong bihag nila.
Ayon kay Navy Captain Roy Vincent Trinidad, chief of staff ng Naval Forces Western Mindanao at Joint Task Force Zambasulta, na patuloy ang kanilang negosasyon upang maisalba ang buhay nina Villaruz at Pagaling.