MANILA, Philippines – Patay ang 45-anyos na guest relation officer (GRO) matapos itong atakihin sa puso habang nakikipagtalik sa lalaki na kaniyang ka-date sa loob ng lodging inn sa Bacolod City, Negros Occidental kamakalawa ng gabi.
Idineklarang patay sa Corazon Montelibano Memorial Hospital ang biktimang nakilala sa pamamagitan ng kaniyang voter’s ID na si Marian Baltazar ng Legazpi City, Albay at namamasukan sa video bar sa Silay City, Negros Occidental.
Samantala, inimbitahan naman ng Bacolod City PNP para imbestigahan ang katalik ng biktima na nakilalang si Bill Mejica, 59, matapos na mamatay sa pakikipagtalik ang babae.
Sa police report na isinumite sa Camp Crame, nag check-in sa Room 37 ng Adam’s Lodge sa Brgy. Bata, Bacolod City ang dalawa.
Gayon pa man, bandang alas-9 ng gabi ay humingi ng tulong sa mga staff si Mejica matapos magtuluy-tuloy umubo, paninikip ng dibdib at nagsuka pa ang nasabing babae.
Ang nasabing babae ay sinasabing sinumpong ng hika hanggang sa mawalan ng malay kaya nag-buzzer ang nasabing lalaki sa nasabing lodging inn.
Agad namang isinugod sa pagamutan ang biktima na pinaniniwalaang inatake sa puso pero idineklara na itong patay.
Nakatakda namang isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang alamin ang pagkamatay nito.