MANILA, Philippines – Isang hinihinalang miyembro ng Abu Sayyaf ang nasawi Martes ng madaling araw matapos makaengkwentro ng mga sundalo sa Patikul, Sulu.
Ayon kay Joint Task Group Sulu commander Brig. Gen. Alan Arrojado tumagal ng 20 minuto ang engkwentro na ikinasugat din ng isa pang miyembro ng bandidong grupo.
Dagdag niya na nasa 20 miyembro ng Abu Sayyaf ang nakalaban ng 35th Infantry Battalion bandang 5:55 ng umaga sa Barangay Latih sa bayan ng Patikul.
Nagsimula ang engkwentro sa operasyon ng militar upang tugisin ang responsible sa pagpatay sa dalawang sundalo nitong kamakalawa.
Iniwan ng mga bandido ang katawan ng nasawi nilang kasamahan, habang nawawala ang sugatang nakilala lamang sa pangalang Isran.