46 nalason sa tsibugan
MANILA, Philippines - Umaabot sa 46-katao kabilang ang 21 estudyante ng Batangas State University (BSU) ang nalason sa naganap na magkahiwalay na food poisoning insidents sa Angeles City, Pampanga at Batangas City, Batangas noong Miyerkules at Sabado.
Pampanga
Nakaranas ng matinding sakit ng tiyan, pagtatae, pagkahilo at pananakit ng ulo ang mga biktimang kumian ng inihaw na karne sa Yakimix Restaurant na nasa ikalawang palapag ng mall sa Barangay Pulong Maragul sa Angels City, Pampanga.
Ang mga biktima ay naisugod sa Angeles University Foundation Medical Center, The Medical City Clark, Sacred Heart Hospital, Saint Rafael Medical Center, Ospital ng Angeles, Angeles Medical Center at sa VL Makabali Memorial Hospital sa San Fernando City.
Nailatag na ang magkakahiwalay na imbestigasyon ng City Health Office at Department of Health (DOH) Central Luzon Office para madetermina ang sanhi ng food poisoning.
Sa kautusan ni Angeles City Mayor Ed Pamintuan, isinilbi ang Notice of Temporary Closure na nilagdaan naman ni City Administrator Atty. Dennis Pamintuan habang hinihintay ang resulta sa pagsusuri sa mga pagkain, water supply, ingredients na nakolekta mula sa Yakimix Restaurant na nasa ikalawang palapag ng mall.
Maging ang mga karne na nasa refrigerator ay ipinasuri sa National Meat Inspection Office para matiyak na hindi kontaminado.
Gayon pa man, nadiskubre rin ng lokal na pamahalaan na karamihan sa mga food handlers at waiters ay walang kaukulang health certificates at sanitary permits mula sa Angeles City Health Office simula nang magbukas ang nasabing restaurant may isang buwan na ang nakalipas.
Sa panig ni Dr. Jessie F. Fantone ng DOH-Central Luzon Epidemiologist, isinumite na sa central office ang kaso ng mga kawani ng nasabing restaurant na walang kaukulang health certificates para sa disposisyon at imbestigasyon.
Batangas
Umabot naman sa 21-estudyante ng Batangas State University ang nalason matapos kumain ng spaghetti at chicken sa idinaos na acquintance program sa Batangas City Sports Coliseum sa Batangas noong Sabado ng hapon.
Ayon kay P/Chief Inspector Arnold Formento, Batangas City deputy PNP chief, nakaranas ng pagsusuka, pagkahilo at pananakit ng tiyan ang mga estudyante ng College of Accountancy, Business, Economics and International Hospitality Management matapos kumain ng shaghetti at manok mula sa kilalang fastfood company.
Karamihan sa mga biktima ay isinugod sa Batangas Medical Center, St. Patrick Hospital, St. Camilius Hospital at sa Golden Gate General Hospital kung saan ay na-diagnose na may acute gastro-enteritis with moderate dehydration.
Wala namang nasa kritikal ng kondisyon habang pinauwi na kaagad ang mga biktima matapos sumailalim sa rehydration.
Sa panayam kay BSU President Engr. Tirso Ronquillo, nakatakdang magpulong ang department heads para pag-usapan kung magsasampa ng kaso laban sa food company.
“Pag-uusapan pa namin kung magpa-file kami ng demanda laban sa food company but for the meantime our insurance company will handle all the expenses for their hospitalization,” pahayag ni Ronquillo.
- Latest