Caretaker ng resort hulog sa pool, utas sa kuryente
CAVITE, Philippines - Nangisay hanggang na malagutan ng hininga ang 61-anyos na caretaker ng isang resort matapos makuryente sa isang lumang swimming pool na napuno ng tubig-ulan nang aksidenteng madulas at mahulog habang nanghuhuli ng isda sa nasabing pool sa loob ng isang subdivision sa Brgy. Burol, Dasmariñas City kamakalawa.
Kinilala ni P/Supt. Joseph Arguelles, hepe ng pulisya ang biktima na si Jimmy Aquino, residente ng Vienna St ng nasabi ding lugar.
Sa imbestigasyon ni PO3 Reynald Afable, dakong ala-1:00 ng hapon nang madiskubre ang lumulutang na katawan ng biktima ng kanyang anak sa nasabing swimming pool.
Bago ang insidente, pinagsinabihan pa umano ang biktima ng kanyang anak na huwag ng manghuli ng isda dahil nga sa may mga kuryenteng buhay sa nasabing pool. Ang pool ay matagal na umanong bakante at napuno lamang ng tubig dahil sa sunod-sunod na pag ulan at binahayan ng mga isdang tilapia na siyang tinangkang hulihin ng matandang biktima upang may maipang-ulam. Habang nanghuhuli, aksidenteng nadulas ang matanda at nahulog sa tubig hanggang sa makuryente.
- Latest