CAMP JULIAN OLIVAS, Pampanga, Philippines – Rehas na bakal ang binagsakan ng anim na kalalakihan na pawang impostor na tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos itong madakip habang nangongotong sa ilang KTV bar sa Barangay Malabanias, Angeles City, Pampanga kamakalawa ng gabi.??
Pormal na kinasuhan ni P/Chief Insp. Ferdinand Aguilar, hepe ng Criminal Investigation ang Detection Team (CIDT) ang mga suspek na sina Jover Roque y Omega, Lito Valdez y Suguitan, Edgar Allan Rivera y Villalon, Teofilo Soriano Jr. y Pariag, Jeffrey Alipio y David, at si Jonathan Obedoza y Castillo na sinasabing nakatalaga sa NBI-Nueva Ecija.
Ayon kay Aguilar, ang mga suspek ay inaresto ng pangkat ni Aguilar matapos ireklamo ng negosyanteng Koreano sa Angeles City kaugnay sa pagsasagawa ng random inspections na walang kaukulang papeles sa mga establisyemento ng mga kapwa niya Koreano.
Napag-alamang inakusahan ng mga suspek ang ilang trader na Koreano na sangkot sa anti-human trafficking.??
Sinasabing nangongotong din ang mga suspek sa mga may ari ng establisyemento kabilang ang hindi pagbabayad ng bill na kanilang kinain pulutan at alak.
Nasamsam sa mga suspek ang kani-kanilang baril, mga bala, mga pekeng tsapa ng NBI, at ang ginagamit sa modus operandi na Mitsubishi Adventure na may plakang (DVG-499).