BULACAN, Philippines – Kalaboso ang binagsakan ng 30-anyos na pulis-Maynila at kaibigan nito na sinasabing mga lango sa alak matapos na masakote ng mga operatiba ng pulisya dahil sa pagpapaputok ng baril at pananakit sa tatlong sibilyan sa naganap na road mishap sa Brgy. Capihan, bayan ng San Rafael, Bulacan kamakalawa ng gabi.
Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo ang suspek na si PO1 Junffrey Dueñas ng MPD Station 9; at kasabwat nitong si Richard Reyes, 30, kawani ng Bureau of Customs (BOC) at mga nakatira sa Brgy. Sapang Putol, bayan ng San Ildefonso, Bulacan.
Ginagamot naman sa Bulacan Medical Center sina Rafael Matias ng Brgy. Communal, Cabanatuan City; Jomar Returban ng Brgy. Casilagan, Rizal; at si Freddie Jimenes, manager ng Advance Micro Financing Corp. at ng Brgy. Mangino, Gapan City, Nueva Ecija.
Sa police report na isinumite kay P/Supt. Reniel Valones, sinalpok ng Toyota Corolla (PNG 284) ng mga suspek ang dalawang motorsiklo ng mga biktima sa kahabaan ng Maharlika Highway.
Gayon pa man, tinangkang alisin ng mga suspek ang kotse na sumalpok sa dalawang motorsiklo subalit pinigilan sila ng mga biktima dahil hindi pa dumarating ang rumespondeng pulis. Nagalit naman si Reyes at tatlong ulit na nagpaputok ng baril sa ere saka tumakas kaya napilitang ireklamo sa himpilan ng pulisya kung saan nasakote ang mga suspek sa inilatag na checkpoint.
Nasamsaman ng cal. 40 si Reyes at cal 9mm pistol si PO1 Dueñas kung saan isinailalim ang dalawa sa alcoholic breath examination at paraffin test sa Provincial Crime Laboratory Office sa Camp Alejo Santos.