BULACAN, Philippines – Pitong motorcycle thieves ang naaresto ng mga operatiba ng pulisya sa isinagawang operasyon sa Barangay San Rafael 1, San Jose Del Monte City, Bulacan kahapon ng madaling araw.
Isinailalim sa tactical interrogation ng 4th Maneuver Platoon ng PNP Provincial Public Safety Company ang mga suspek na sina Emmanuel John Sarmiento, Angelo Hagupit, Sherwin Yumul, 37; Wilson Encalllado, 21; Joseph Latorza, 28, ng Brgy. Dulong Bayan; Rolando Badura, 29, ng Brgy. San Rafael V; at si Jomar Bernardino, 27, ng Brgy. San Rafael lV.
Sa ulat ni P/Insp. Sean Logronio, sinita sa PNP checkpoint ang riding-in-tandem na sina Sarmiento at Mary Grace Basiwa dahil sa kawalan nito ng helmet.
Gayon pa man, natagpuan sa compartment ng kanilang motorsiklo ang ilang piraso ng pick lock, iba’t ibang klase ng susi ng motorsiklo at dalawang sachet ng shabu kaya kaagad silang inaresto.
Inamin naman ni Sarmiento na isa siya sa pitong motorcycle thieves saka itinuro ang pinagkukutaan ng mga kasamahan sa nasabing barangay.
Sa follow-up operation ng pulisya ay sinalakay ang itinuro ni Sarmiento ang abandonadong bahay kung saan naaktuhan ang anim na suspek sa pot session.
Nasamsam ang pitong plastic sachet ng shabu, mga drug paraphernalias, limang bala ng cal.38 revolver.
Natagpuan din sa likuran ng bahay ang limang motorsiklong sinikwat, mga piyesa ng sasakyan, iba’t ibang kasangkapan, apat na plaka ng motorsiklo na NF9823,1329CO, 7260IT, 6094TU at iba’t ibang klase ng susi ng motorsiklo.