MANILA, Philippines – Apat na lalaki na hinihinalang biktima ng summary execution o salvage ang natagpuan ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na lugar sa lalawigan ng Cavite, kamakalawa.
Sa ulat sa Camp Crame, dakong alas- 6 ng umaga ng unang matagpuan ang bangkay ng dalawang biktima sa Brgy. Pangil-Limbon boundary ng Indang at Amadeo. Isa sa biktima ay nakasuot ng kulay abong short, kulay pulang t-shirt, kulay pulang jacket, na 20-24-anyos, may taas na 5’2 habang ang isa na nasa 15-17-anyos, may taas na 4’8” at katamtaman ang pangangatawan at may suot na kulay pulang short at gray t-shirt. Sila ay kapwa tadtad ng bala sa ulo at katawan, may marka ng sakal sa leeg at hampas ng matigas na bagay sa katawan.
Dakong alas-7 naman ng umaga nang matagpuan ang dalawa pang katawan ng lalaki na nakabalot sa kulay asul na tela sa Daang Hari Road, Brgy. Pasong Buaya 1, Imus City. Isa rito ay tinatayang nasa 50-anyos, may taas na 5’6-5’7, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot ng kulay berdeng brief habang ang isa ay nasa 45-anyos, may taas na 5’2-5’3, katamtaman ang pangangatawan at nakasuot lamang ng kulay asul na brief.
May teorya ang pulisya na pinatay muna ang mga biktima bago itinapon sa nasabing mga lugar upang ilihis ang imbestigasyon ng mga awtoridad.