MANILA, Philippines – Napasakamay ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang kahalili ni Commander Parago at tatlong iba pa sa inilatag na operasyon sa Calinan District, Davao City sa Davao del Sur noong Martes ng tanghali.
Kinilala ni 1Lt Alexandre Caballes, Army’s regional spokesman, ang mga suspek na sina Christopher Rollon, alyas Joel Quano, kanang kamay ni Parago; Mike Capito, Ranny Niñal, at si Alexander Abalos Bartolome na pawang may dalawang warrant of arrest na inisyu ng Regional Trial Court Branch 16 sa Davao City kaugnay ng mga kasong murder, attempted murder at robbery.
Hindi na nakapalag ang apat na NPA rebs matapos makorner sa isang karinderya na pinaligiran ng military at pulisya.
Base sa tala ng military, si Bartolome ay tumatayong political officer ng Southern Mindanao Regional Committee ng NPA sa Davao Region.
Nasamsam mula sa pag-iingat ni Roilon ang dalawang granada, cal. 45 pistol at bag na naglalaman ng improvised explosive device.
Sa inisyal na interogasyon, inamin ni Roilon na anim na taon na siyang miyembro ng NPA Pulang Bagani Command na dating pinamumunuan ni Commander Leoncio Pitao alyas Commander Parago.
Magugunita na si Parago ay napaslang ng tropa ng militar sa madugong encounter noong Hunyo 28 sa Davao City.