TUGUEGARAO CITY, Cagayan, Philippines – Tatlong sundalo ng 50th Infantry Battalion ng Phil. Army ang napatay habang 13 naman ang nasa kritikal na kalagayan matapos tambangan ng mga rebeldeng New People’s Army sa bulubunduking bahagi ng Sitio Allangigan, Barangay Apatan sa bayan ng Pinukpuk, Kalinga kamakalawa.
Sa police report na nakarating kay P/Senior Supt. George Daskeo, Kalinga PNP director, pabalik na sa barracks ang mga sundalo mula sa inilunsad na “Oplan Bayanihan” nang masabugan ng landmine.
Kasabay nito, tinambangan ng mga rebelde ang convoy ng mga sundalo na tumagal ng dalawang oras kung saan gumanti naman ang militar.
Gayon pa man, napatay sina Pfc. Bryan Massagan, Pfc. Benjie Palliw, at si Sgt. Daryl Amiling habang sugatan naman sina Cpl. Diony Patacsil, Pfc. Lunes Ambatang, Pfc. Ryan Guerero, Pfc. Jose Gayudan, Pfc. Raymund Vasquez, Pfc. Randell Villadolid, Pfc. Jomar Gammad, Pfc. Gilbert Ramirez, Pfc. Nestor Roque Jr., Pfc. Dante Mauricio, Pfc. Henry Coloma, Pfc. Richard Bartolome, at si Pfc. Johnson Carig.