MANILA, Philippines - Dalawang sekyu ang hinostage matapos salakayin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang minahan sa Barangay Masara, bayan ng Maco, Compostella Valley kamakalawa ng gabi.
Ayon kay 1Lt. Alexandre Cabales, acting spokesman ng Army’s 10th Infantry Division Public Affairs Office, dakong alas-7:30 ng gabi nang umatake ang NPA sa Apex Mining kung saan sinunog ang security post na minamantine ng mga sekyu.
Samantala, tinangka ring sunugin ang dalawang backhoe pero naudlot matapos mamataan ang pagrespondeng tropa ng mga sundalo.
Gayon pa man, hinostage ng NPA ang dalawang sekyu na kinilala lamang sa mga apelyidong Cabanel at Caindoy kung saan ginawang human shield sa pagtakas ng mga rebelde.
Makalipas ang ilang oras ay pinakawalan din ang dalawang sekyu sa bahagi ng Barangay New Leyte.
“They are harassing these businesses to give in to their extortion demands,” pahayag ni Brigadier General Benjamin Madrigal Jr. ng Army’s 10th Infantry “Agila” Division.