TUGUEGARAO CITY, Philippines - Dahil sa kasarapan ng pagtulog, hindi namalayan ng photojournalist ng Philippine Star at pahayagang ito na si Victor Martin na pinasok na ang kanyang bahay ng mga hinihinalang “Akyat-Bahay” gang na tumangay ng mamahaling cell phone tablet at mahigit P30,000 cash sa Purok 7, Diversion Road, Brgy Sta Rosa, Bayombong, Nueva Vizcaya kamakalawa.
Sa ulat ng pulisya, pinaniniwalaang nilooban ng mga magnanakaw ang bahay ni Martin dakong alas-2:00 hanggang 3:00 ng madaling-araw matapos sirain ang mga lock sa lahat ng bintana at dalawang pintuan ng kanyang bahay habang mahimbing silang natutulog misis at mga anak.
Nakulimbat ng mga magnanakaw ang nakatagong pera ni Martin at kanyang misis na nakalagay sa kani-kanilang bag at iba pang cabinet.
Nadiskubre na lamang ng mag-asawang Martin na sila’y nilooban nang magising sila dakong alas-7:00 ng umaga upang patayin ang aircon sa bahay dahil sa sobrang lamig.
Si Martin ay publisher din ng lokal na pahayagang Voice of the Sierra Madre na humalili sa yumaong reporter ng Star na si Charlie Lagasca.