BULACAN, Philippines - Hindi na umabot ng Semana Santa ang may-ari ng funeral parlor matapos itong ratratin ng dalawang di-kilalang lalaki sa bisinidad ng Barangay Kaypombo sa bayan ng Sta. Maria, Bulacan kahapon ng umaga.
Labing-walong bala ng M-16 Armalite Rifle ang tumapos sa buhay ni Luis Del Rosario, 57, may-ari ng Louie Funeral Parlor at nakatira sa Barangay Sta. Cruz, bayan ng Angat, Bulacan.
Base sa ulat ni PO3 Jason Taniza, lumitaw na pansamantalang ipinarada ng biktima ang kanyang bagong SUV sa bisinidad ng Tibagan Street para suriin ang mga gulong nito.
Gayon pa man, kaagad na pumasok ng sasakyan ang biktima matapos tingnan ang mga gulong subalit lumapit at niratrat hanggang sa mapatay ang nasabing trader.
Mabilis na tumakas ang gunmen sakay ng isa ring SUV na walang plaka.
Narekober sa crime scene ang 18-basyo ng bala ng M-16 rifle, cal.45 pistol na pag-aari ng biktima at mga personal na gamit.
Sinisilip ng mga imbestigador ng pulisya ang sinasabing anggulong love triangle ang isa sa motibo sa pamamaslang.