LEGAZPI CITY, ALBAY, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang 21-anyos na binata na nakabigti sa puno ng kamagong kahapon ng umaga sa California Village, Kawa-kawa, Brgy. Tuburan, Ligao City.
Nakilala ang nasawi na si Lorenzo Bantoy, 21, estudyante at residente ng naturang lugar.
Sa ulat ng pulisya, ang bangkay ng biktima ay natagpuan ng mga residente dakong alas- 5:30 ng umaga na nakabitin sa puno sa likuran ng kanilang bahay.
Nauna rito, nag-text ang nasawi sa kanyang ina na siya ay magpapakamatay sa pamamagitan ng paglaslas sa kanyang pulso, subalit hindi naman ito naganap, bagkos ay nagbigti ito.
Nabatid na problema sa kasintahan ang posibleng dahilan nang pagpapakamatay nito.