MANILA, Philippines – Nasakote ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang deputy commander ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa isinagawang operasyon sa Cotabato City nitong Lunes ng gabi.
Kinilala ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc ang nasakoteng suspek na si Abdulgani Esmael Pagao na natunton sa pinagtataguan sa Campo Muslim, Brgy. Mother Bagua ng lungsod bandang alas-8:30 ng gabi.
Hindi na nakapalag ang suspek nang dakpin sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Executive Judge Bansawan Ibrahim.
Nasamsam mula rito ang isang cal. 45 pistol at isang fragmentation grenade.
Inihayag ni Cabunoc na si Pagao ang ikalawang pinakamataas na lider ng BIFF na nasakote ng mga awtoridad simula ng ipatupad ang law enforcement operations laban sa BIFF sa Central Mindanao noong Pebrero 2015.
Samantalang ang isa sa lider ng grupo na si Commander Bisaya ay napaslang sa bakbakan sa tropa ng militar sa Datu Unsay noong Marso 29.