MANILA, Philippines – Patay ang isang biyuda at dalawa nitong anak na babae makaraang makulong ng apoy sa loob nang nasusunog nilang bahay sa pagtatapos ng ‘fire prevention month’ kahapon sa bayan ng Ipil, Zamboanga Sibugay.
Sa inisyal na ulat ng Police Regional Office (PRO) 9, kasalukuyan pang inaalam ang pangalan ng nasawing ginang at dalawa nitong babaeng paslit na anak.
Ang bangkay ng mga biktima ay halos hindi na makilala matapos magmistulang uling sa insidente.
Sa imbestigasyon, naitala ang sunog sa Purok Amelita, Brgy. Ipil Heights, Ipil ng lalawigang ito dakong alas- 2:41 ng madaling araw.
Ang sunog na nagsimula sa tahanan ni Liezel Obida ay nakaapekto rin sa dalawa pa nitong katabing bahay.
Mabilis namang nagresponde ang mga bumbero at naapula ang sunog bandang alas-4 ng madaling araw.
Ang tatlong sunog na mga bangkay ng mag-iina ay narekober ng mga bumbero sa tahanan ni Obida.
Samantalang tinataya namang aabot sa P1.1-M ang pinsala sa naganap na sunog.