MANILA, Philippines – Aabot sa P1 milyong halaga ng ari-arian ang nawasak matapos na sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang dalawang truck at isang mini sawmill sa compound ng barangay kagawad sa bayan ng Trento, Agusan del Sur kamakalawa ng umaga. Ayon kay P/Supt. Martin Gamba, spokesman ng Caraga PNP, naganap ang insidente sa compound ni Kagawad Cecilia Tiu sa Purok 1, Barangay Manat sa nabanggit na bayan. Sa imbestigasyon, lumitaw na sinalakay ng mga armadong rebelde ang nasabing coumpound kung saan agad binuhusan ng gasolina ang dalawang Isuzu Elf truck na may plakang GSA-133 at LBP 810, isang mini sawmill at iba pang kagamitan saka sinilaban. Pinaniniwalaan patuloy na hindi nakapagbigay ng revolutionary tax ang isa sa motibo ng mga rebelde habang patuloy na tinutugis ng Army’s 66th Infantry Battalion at pangkat ng PNP ang grupo na sangkot sa pananabotahe.