LEGAZPI CITY, Albay, Philippines – Brutal na kamatayan ang sinapit ng magkapatid na matanda matapos itong pagsasaksakin ng anak ng isa sa matanda sa kanilang bahay sa Barangay Pawa, Tabaco City, Albay kamakalawa.
Halos naagnas na ang mga biktimang sina Anacita Borado, 74; at Ledorica Gomez, 70, kapwa biyuda at nakatira sa nasabing barangay.
Isinailalim na sa imbestigasyon ang suspek na anak ni Anacita na si Joan Borado na sinasabing wala sa katinuan ang pag–iisip.
Sa ulat na nakarating kay P/Senior Supt. Marlo Meneses, Albay PNP director, nadiskubre ang mga bangkay ng mag-utol matapos makalanghap ng masangsang na amoy ang mga kapitbahay.
Kaagad namang humingi ng tulong ang mga residente kaya natagpuan ang duguang katawan ng mag-utol na matanda kung saan nakaupo pa ang suspek sa gilid ng bangkay ng kanyang nanay.
Hindi naman naniwala ang mga imbestigador ng pulisya sa salaysay ni Joan na pinasok sila ng mga di-kilalang lalaki dahil may bahid ng dugo ang mga kamay ng suspek kung saan ang ginamit sa krimen ay nasa gilid nito.