MANILA, Philippines – Pinaniniwalaang dinamdam ng 19-anyos na tinedyer ang pakikipagkalas ng kanyang nobya sa kanilang relasyon kaya ito nag-suicide sa kanilang bahay sa Barangay Linabo, Dapitan City, Zamboanga del Norte kamakalawa.
Bandang alas-11:30 ng gabi nang madiskubre ang pagpapakamatay ng biktimang si Jover Jasmin na nagawa pang maisugod sa Dr. Jose Memorial Hospital subalit idineklarang patay.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, lumilitaw na nakipag-inuman pa ang biktima kaniyang mga kabarkada kung saan ay isiniwalat nito ang hinanakit ng loob matapos na makipag-break sa kaniya ang nobya.
Gayon pa man, nagpaalam na ang biktima sa kanyang kainuman at sinabing magpapakamatay na lamang siya dahil sa hindi makayanang pighati kung saan inakala naman ng mga kaibigan na nagbibiro ito.
Narekober naman ng pulisya ang suicide note ng biktima para sa nobyang si Grace Daquinotas na sinasabing nakipaghiwalay.