MANILA, Philippines - Nakikipaglaban kay kamatayan ang 65-anyos na mangingisda matapos masabugan ng dinamita sa karagatan ng Barangay Tigtabon, Sacol Island sa Zamboanga City kamakalawa ng hapon. Nasa Zamboanga City Medical Center ang biktimang si Marajan Gaspar sanhi ng tinamong grabeng pagkalapnos ng katawan. Ayon sa imbestigasyon, lulan ng bangka ang biktimang nangingisda gamit ang dinamita nang biglang sumabog sa kamay nito. Sinaklolohan naman ng mga kasamahang mangingisda ang biktimang duguan na nakahandusay sa kaniyang bangka. Sa inisyal na imbestigasyon na bago pa man maihagis ng matanda ang dinamita sa illegal na pangingisda ay pumutok na ito sa kanyang kamay.