Balik-bayang OFW, itinumba

Philstar/File

CABANATUAN CITY, Nueva Ecija, Philippines  – Napatay 56-anyos na overseas Filipino worker na nagbalik-bansa lamang upang bisitahin ang may sakit nitong ina matapos itong pagbabarilin ng di-kilalang lalaki sa Barangay Sta. Veronica sa bayan ng Guimba, Nueva Ecija noong Biyernes ng umaga.

Kinilala ni P/Senior Supt. Crizaldo Nieves, Nueva Ecija PNP director, ang biktima na si Abner Abuan ng Barangay Sta. Veronica sa nasabing bayan.

Nabatid na dalawang araw pa lang nanatili  sa nasabing bayan ang biktima nang ito ay umuwi mula sa Estados Unidos upang bisitahin ang kanyang ina na naka-confine sa Guimba General Hospital.

Sa imbestigasyon, naganap ang krimen bandang alas-6:15 ng umaga sa Danzalsan Street sa nasabing bayan habang ang biktima ay nakikipag-usap sa kapitbahay na si Helen Tiopanco nang lapitan at ratratin ng gunman.

Agad na tumakas ang gunman lulan ng motorsiklong walang plaka. Agad na itinakbo sa nasabing pagamutan ang biktima kung saan doon din naka-confine ang kanyang ina.

 

Show comments