BULACAN, Philippines – Napaslang ang 40-anyos na corporal ng Phillipine Army na sinasabing may nakabinbing kasong kriminal matapos itong tambangan ng motorcycle-riding assassins sa kahabaan ng highway sa Barangay Macapilapil, bayan ng San Ildeponso, Bulacan kahapon.
Nagtamo ng mga tama ng bala ng baril ang biktimang si Corporal Dante Bugarin, tubong Pangasinan at nakatalaga sa 7th Infantry Division sa Camp Ramon Magsaysay, Palayan City sa Nueva Ecija.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, nagmomotorsiklo ang biktima sa kahabaan ng highway nang sundan at pagbabarilin ng riding-in-tandem gunmen bandang alas-2:30 ng hapon.
Ayon kay P/Supt. Angel Garcillano, hepe ng San Ildefonso PNP, si Bugarin ay sinasabing may nakabinbing kaso kaugnay sa nakawan sa piggery farm sa Tarlac noong Pebrero 2015.
May teorya ang mga imbestigador ng pulisya na pinatahimik ng mga kasabwat sa kasong robbery ang biktima.
Narekober sa crime scene ang walong basyo ng bala ng cal.45 pistol at cal. 9mm pistol habang patuloy naman ang imbestigasyon.