MANILA, Philippines - Pinaniniwalaang matinding selos ang isa sa motibo kaya binaril at napatay ang 32-anyos na misis ng kaniyang mister sa loob ng kanilang bahay sa Diamond Subdivision, Angeles City sa Pampanga kahapon ng tanghali.
Napuruhan sa ulo ang biktimang si Mylene Angeles habang pinaghahanap naman ang 57-anyos na suspek na si Ike Angeles, retiradong US Navy.
Sa ulat ni P/Senior Supt. Eden Ugale na isinumite sa Camp Crame, dakong alas-12:30 ng tanghali nang iparating ng 12-anyos na totoy sa himpilan ng pulisya ang pagpaslang sa kaniyang ina.
Sa salaysay ng bata sa pulisya, kauuwi lamang umano niya mula sa eskuwelahan nang makarinig ng putok ng baril habang papasok sa trangkahan.
Nang pumasok ang bata sa kanilang bahay ay nakitang nakabulagta na sa banyo ang ina na umaagos ang dugo sa ulo.
Samantala, nagmamadali namang tumakas ang kaniyang ama na sumakay ng traysikel bitbit ang 2-anyos nitong kapatid na babae habang naiwan naman ang 10-buwang sanggol na kapatid.
Ayon kay Ugale, pansamantala namang isinailalim sa kustodya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang dalawang anak ng mag-asawa.