CAVITE, Philippines – Nakikipaglaban kay kamatayan ang 14-anyos na dalagita matapos itong buhusan ng gaas at silaban ng kanyang lola dahil sa matinding pagtatalo kamakalawa sa Barangay Zone 1, Dasmariñas, City, Cavite.
Nasa UMC Hospital ang biktimang high school student na si Dissiree Francisco habang nasakote naman ang suspek na si Divina “Lola Vinay” Formes, 63, fishball vendor, at kapwa nakatira sa nasabing barangay.
Ayon kay P01 Ellaine Magsino, papauwi na ang mag-lola mula sa pagtitinda ng fishball ng sumiklab ang pagtatalo kaugnay sa inilalakong paninda.
Nagalit naman ang matanda sa tinuran ng kanyang apo na itigil ang pagtitinda dahil sa kawalan ng pambili ng fishball.
Gayon pa man, nagkasagutan ang maglola at sa galit ng matanda ay binuhusan nito ng gaas ang kanyang apo saka sinindihan.
Magsisigaw naman ng biktima habang nagliliyab ang buong katawan kung saan naapula naman ng ilang residente saka isinugod sa ospital habang nasakote naman ang matanda.