MANILA, Philippines – Bumagsak sa pinagsanib na elemento ng militar at pulisya ang lider ng breakaway group ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) na Justice Islamic Movement at limang iba pa na sinasabing sangkot sa pagpatay sa 44 Special Action Force (SAF) commando sa bayan ng Mamasapano, Maguindanao sa isinagawang follow-up operations sa Barangay Calumpang, General Santos City, South Cotabato kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., kinilala ang mga suspek na sina Mohammad Ali Tambako, commander ng BIFF; Ali Ludisman, Abdusama Badrudin Guiamel, Datukan Kadiwang, at isang alyas Ibrahim.
Ang grupo ni Tambako ay tumiwalag sa BIFF bago nagtatag ng panibagong grupong ng teroristang Justice Islamic Movement.
Bandang alas-9 ng gabi nang maaresto ang mga suspek sa isinagawang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng Southern Mindanao Criminal Investigation Detection Unit, Intelligence Service Group, Task Force General Santos, 1002nd Infantry Brigade at General Santos City PNP.
Nabatid na lulan ng dalawang traysikel ang mga suspek patungo sa pantalan ng General Santos City nang masakote sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder at double frustrated murder na inisyu ni Judge George Jabido.
Nasamsam sa mga suspek ang tatlong granada at armas kung saan hindi na pumalag nang dakpin ng mga elemento ng pulisya at militar.
Sa tala ng AFP, ang BIFF ay breakaway group ng MILF kung saan si Tambako ang sumunod nitong pinuno matapos na magkasakit ang lider ng grupo na si Commander Ameril Umbra Kato.