BULACAN, Philippines - Hinamon kahapon ng mga nagpetisyon sa recall ang kampo ni Bulacan Gov. Wilhelmino Alvarado na maglabas agad ng ebidensiya ng mga kumakalat na ulat na maraming doble at pekeng pirma sa petisyon na isinampa laban sa kanya.
“Kung mayroon kaming tinatago, hindi namin ipaglalaban na ituloy ang beripikasyon ng mga pirma kung mayroon kaming kalokohang ginawa para rito, kung kumbinsido si Alvarado na mayroong mga pekeng pirma ay bakit hinaharang niya ang beripikasyon na itinakda sana noong Marso 9,” pahayag ng main petitioner na si Perlita Mendoza
Napag-alamang naglabas ng temporary restraining order (TRO) si Judge Guillermo Agloro ng Bulacan Regional Trial Court matapos magpetisyon si Gov. Alvarado.
Umalma naman ang mga nagpetisyon kay Gov. Alvarado dahil sa sinasabing pananakot sa mga pumirma at sapilitang pagpapapirma ng affidavit upang bawiin lang ang kani-kanilang lagda.
Ayon pa kay Mendoza, hanggang ngayon ay walang isinasapublikong paliwanag si Gov. Alvarado kaugnay sa mga kaso ng katiwalian na kinakaharap sa Ombudsman.
Hinamon din ni Mendoza si Gov.Alvarado na huwag nang pigilan ang nakatakdang recall election.