Mangingisda nag-amok: 3 patay, 6 kritikal

File photo

MANILA, Philippines – Tatlo-katao ang napatay habang anim naman ang  nasa kritikal na kalagayan matapos na mag-amok ang 39-anyos na mangi­ngisda sa dalampasigan ng Sibulan, Negros Oriental kamakalawa ng madaling araw.

Kabilang sa napatay ay ang lider ng mga mangi­ngisda na si Quirico Estoras, Benjie Jorheho, at ang nag-amok na si Graciano Namoco ng Barangay Bonawon sa bayan ng Siaton.

Si Namoco ay pinagtulungang patayin ng kanyang mga kasamang pescadores (mangingisda) matapos mapatay ang da­lawa nitong kabaro habang anim naman ang malubhang nasugatan.

Naisugod naman sa Negros Oriental Provincial Hospital at Silliman University Medical Center ang mga sugatang sina Gabriel Ricardo, 51; ng Bindoy, Negros Oriental; Roel Dagodog, 55, ng Mabinay; Roque Tersona, 43, ng Basay; Jovy Saldo, 23, ng Bais City; Dominador Pilonggo, 46; at si Julito Babor, 27, kapwa nakatira sa bayan ng Sta. Catalina.

Sa inisyal na imbestigasyon, dakong alauna y medya ng madaling araw habang paalis na ang bangkang pangisdang FB San Tiyago na pag-aari ni Ovinal Lim Salvame  sa Ajong Pier nang biglang mag-amok si Namoco gamit ang pagtalim (plamingko) kung saan pinagsasaksak ang mga biktima.

Isa sa mga mangingisda ang nakarinig ng saklolo ng biktimang si Jorheho kaya nagsipagkubli ang ibang kasamahan pero nagawa pa ring masaksak ng suspek ang ilan sa mga kasamahang mangingisda.

Gayon pa man, napilitang lumaban ang grupo ng mga mangingisda nang kuyugin at paghahampasin ng kawayan si Namoco hanggang sa mabitiwan nito ang kaniyang patalim at mapatay.

Show comments