7 pulis sugatan sa landmine blast

STAR/File photo

NORTH COTABATO, Philippines – Pitong pulis ang nasugatan matapos masabugan ng landmine at pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Barangay Palacapao, ba­yan ng Quezon, Bukidnon kahapon ng madaling araw.

Ayon kay Bukidnon Provincial Police Office spokesperson P/Insp. Jisselle Longgakit, nasa ligtas na kalagayan ang pitong miyembro ng Regional Public Safety Battalion ng PNP  matapos masabugan.

Base sa ulat, rumesponde ang mga pulis dahil sa gina­wang pagsunog ng mga rebelde sa pitong cargo trucks na hinarang sa kahabaan ng Bukidnon Road na papunta sanang Davao City kahapon ng madaling araw.

Kabilang sa mga suga­tang pulis ay sina PO1 Junel Macabinlar, PO1 Quilombi Alumpines, PO1 Lou Tagalurang, PO1 Ge­rald Bob Colita, PO1 Ryaian Nera, PO1 Roy Pepito, at si PO1 Hermie Alabe.

Sinabi ni Longgakit na tinangka ng mga biktima na habulin ang mga rebelde subalit hindi pa man sila nakarating ay sumabog na ang itinanim na landmine saka pananambang ng mga NPA.

Tanging isa pa lamang sa mga biktima ang nag-out patient habang ang anim naman ay nananatiling nasa ospital sa Bukidnon.

Kaugnay nito, mariing kinondena nina PNP regional director C/Supt. Agrimero Cruz Jr. at 4th ID commander B/Gen. Oscar Lactao ang ginawang pag-atake ng mga rebelde.

Show comments