MANILA, Philippines — Nasugatan si Abu Sayyaf Commander Radulan Sahiron habang sampu pa sa tauhan nito ang napaslang sa patuloy na all out offensive ng tropa ng militar sa Patikul, Sulu, ayon sa opisyal kahapon.
Sinabi ni AFP Public Affairs Office Chief Lt. Col. Harold Cabunoc natanggap nila ang impormasyon na sugatang nakatakas si Sahiron na kasalukuyan pa nilang beneberipika at nauubusan na rin ng bala ang grupo nito.
Inihayag naman ni Captain Rowena Muyuela, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command, sa halos 3 oras na bakbakan na nag-umpisa dakong alas-12:15 ng tanghali sa pinagkukutaan ng Abu Sayyaf sa Brgy. Kabuntakas, Patikul ay nasa sampu pa ang nalagas sa hanay ng mga kalaban.
Dahil dito, umpisa noong Miyerkules matapos na ilunsad ang all out offensive ay nasa 29 na ang napapaslang na bandido habang walo pa sa mga ito ang nasugatan o kabuuang 27 sugatan.
Sa panig ng tropa ng Joint Task Group (JTG) Sulu na pinamumunuan ni Col. Allan Arrojado ay dalawang sundalo ang nasawi kung saan sa pinakahuling bakbakan ay sampu pa ang nasugatan sa tropang gobyerno na sa kabuuan ay aabot na sa 26 ang nasugatang sundalo.
Nabulabog ang grupo ni Sahiron na may hawak na mga hostages at nasa 300 ang mga tauhan ay nasagupa ang blocking force ng tropa ng militar sa Brgy.Kabuntakas. Ang nagsitakas mga bandido ay patungo sa direksyon ng hilagang bahagi ng Brgy. Kabuntakas at Taglibe; pawang sa bayang ito.
Magugunita na ipinagutos ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang Jr., ang malawakang all out offensive laban sa grupo ng Abu Sayyaf sa Basilan at Sulu upang tuldukan na ang paghahasik ng mga ito ng terorismo.