MANILA, Philippines — Malagim ang sinapit na kamatayan ng isang Editor/publisher ng isang pahayagan makaraan itong pagsasaksakin sa isang bar sa lungsod ng Masbate nitong Sabado ng madaling araw.
Sa ulat, kinilala ni Police Regional Office (PRO) V Spokesperson Sr. Inspector Maria Luisa Calubaquib ang nasawing biktima na si Ariel Verano Lerit, nasa hustong gulang.
Ang biktima ay nagtamo ng mga saksak sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan na binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas sa Masbate Provincial Hospital.
Nabatid na ang biktima ay Editor/Publisher ng pahayagang Masbate Times sa Masbate City at siya ring tumatayong brgy. chairman sa kanilang komunidad sa Brgy. Anas sa lungsod na ito.
Bandang alas-12:50 ng madaling araw nang maitala ang krimen sa Eighten Seventteen Bar and Grill na matatagpuan sa Ibañez Street, Brgy. J. T. Fernandez ng lungsod na ito.
Ayon sa imbestigasyon, bigla na lamang nilapitan ng hindi nakilalang salarin ang biktima saka inundayan ng sunud-sunod na saksak bago ito mabilis na tumakas na sinamantala ang pagkakagulo ng mga kustomer sa nasabing bar. Sa kasalukuyan, dalawang anggulo ang sinisilip ng mga awtoridad sa motibo ng krimen, una ay alitan sa pulitika at ikalawa ay may kinalaman sa trabaho nito bilang mamamahayag.