Roadside bombing; 2 dedo, 11 sugatan
NORTH COTABATO, Philippines – Dalawang sundalo ang bumulagta habang labing-isa naman ang nasugatan makaraang masabugan ng landmine na itinanim ng mga rebeldeng New People’s Army ang military truck sa gilid ng highway sa Kampo 5, Barangay Danlag sa bayan ng Tampakan, South Cotabato kahapon.
Kinilala ang mga namatay na sina Private First Class (PFC) Arnel Inonaria at Corporal Mark Ryan Casipe, mga miyembro ng 27th Infantry Battalion ng Philippine Army.
Sugatang naisugod sa Cotabato Provincial Hospital sina Corporal Allan Mohamad, Corporal Fredie Bacho, Corporal Alu Lacrupay, Corporal David Marcena, Corporal Rebel, Corporal Adjmar Jopakra, Corporal Boy Sapdula, Private First Class Kayama, Private Firts Class Macas, Private First Class Reymart Sobrepeña, at si Private First Class Louie Begaro.
Ayon kay P/Senior Supt. Jose Arnaldo Briones Jr., sumabog ang improvised explosive device sa gilid ng highway habang dumaraan ang sinasakyan ng mga sundalo.
Sa pahayag ni Corporal Bacho, kinuha nila ang bangkay ng isa sa miyembro ng Cafgu na si Mark Lozaga matapos itong ratratin ng mga rebelde noong Sabado ng gabi.
Subalit sa kanilang pagbabalik kahapon upang alamin ang mga kailangan ng mga sundalo sa nasabing detachment ay sumabog ang landmine.
- Latest