CAVITE, Philippines – Patay matapos magtamo ng mga tama ng bala sa ulo at katawan ang isang miyembro ng Dasmariñas Action team matapos na pagbabarilin ng ’di nakilalang suspek habang inaantabayanan ng biktima ang paglabas ng kanyang anak sa eskwelahan, kamakalawa ng gabi sa Brgy. San Simon, Dasmariñas City, Cavite.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Mario Almacen, 56, may-asawa, residente ng Blk M1, Lot 5, Brgy. Sta. Cristina 2, ng lunsod na ito.
Tinutukoy pa ng awtoridad ang suspek na mabilis na tumakas sakay ng puting kotse na Sedan na di nakuha ang plaka.
Sa report ni PO3 Fernando Angeles, alas-6:30 ng gabi habang naghihintay ang biktima sa estudyanteng anak sa tapat ng Dasmariñas East National High School upang sunduin nang isang kotseng puti sakay ang armadong suspek ang tumapat sa kanya at walang sabi sabing pinagbabaril.
Bunsod sa rami ng tama ng bala, agad na namatay ang biktima at narekober ng pulisya sa lugar ang tatlong piraso ng fired cartidge ng cal 45.