MANILA, Philippines – Naglunsad na ng opensiba ang tropa ng militar laban sa pasaway na grupo ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Brgy. Bulol, Pikit, North Cotabato kahapon.
Ayon kay Capt. Joan Petinglay, Spokesperson ng 6th Infantry Division ng Philippine Army, layunin ng kanilang hakbang na maitaboy ang puwersa ng BIFF na nagiging dahilan ng puwersahang paglilikas ng mga residente sa Pagalungan, Maguindanao at Pikit, North Cotabato.
Pinaniniwalaan na marami ang nalagas sa puwersa ng BIFF bagaman hindi pa masabi ang eksaktong bilang dahilan patuloy pa ang manakanakang bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig.
Binigyang-diin ni Petinglay na hindi nila hahayaan na magpatuloy ang panggugulo ng BIFF sa mga nasabing lugar at iiwasan na umabot pa sa mga kalapit na barangay ang tensyon.??
Sinasabing ang Kagi Karialan group ng BIFF na siya ring nakasagupa ng napatay na 44 commandos ng Special Action Force (SAF) ay nagtago sa pitong barangay sa bayan ng Pikit at kalapit pang barangay pagkatapos ng madugong labanan.
Ang law enforcement operations ay upang masupil ang BIFF na sinasabing may hawak na sampung baril ng SAF commandos na napaslang sa madugong bakbakan sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 25.
Samantalang sinunog din umano ng BIFF ang mga bahay ng sibilyan sa mga nasabing barangay na dahilan upang mabulabog at matakot ang mga ito na nagsilikas bunga ng insidente.