2 kritikal sa pagsabog ng poso negro

NUEVA ECIJA, Philippines – Dalawang construction workers ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang septic tank sa loob ng bodega sa Muñoz City, Nueva Ecija noong Huwebes ng umaga. Naisugod sa Paulino J. Garcia Memorial Research and Medical Center sa Cabanatuan City ang dalawang biktima na sina Ernesto Constantino Jr., 41, ng Villa Pinili, Barangay Bantug, Muñoz; at Edwin Fulgerao ng Barangay Malayantoc, bayan ng Sto. Domingo. Sa police report na nakarating kay P/Supt. Michael Angelo Zuñiga, bandang alas-9:30 ng umaga ng sumabog ang poso negro sa loob ng warehouse na pag-aari ni Dennis Lazaro ng Sampaguita Street sa Barangay Poblacion West sa nasabing lungsod. Nabatid na nagbudbod ng kalburo ang dalawang biktima upang mawala ang masangsang na amoy sa loob ng bodega subalit biglang sumabog ang poso neg­ro na sinasabing may methane gas.

Show comments