OLONGAPO CITY, Philippines – Sinuportahan ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Olongapo City ang kahilingan ng mga kawani ng Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) para sa dagdag suweldo na katapat sa itinatakda para sa mga kawani ng gobyerno sa ilalim ng Salary Standardization Law (SSL).
Sa resolusyong inaprobahan ng Konseho ng nasabing lungsod na binasa ni City Councilor Jong Cortez, nakasaad sa Resolution 13 Series of 2015 na ipinadala kay President Benigno S. Aquino III na aprubahan nito ang dagdag sahod ng mga SBMA employees.
Nagtipun-tipon ang mga kawani ng SBMA na nagsagawa ng candle light vigil noong Biyernes sa harap ng administration building ng nasabing ahensya.
Sa panig naman ni Olongapo City Mayor Rolen Paulino, marapat lamang na ibigay ang hiling na dagdag sahod dahil sa matagal nang nagdarahop ang mga manggagawang SBMA na karamihan ay residente rin sa nasabing lungsod.
Hiniling din ng alkalde na suportahan ng iba pang mga alkalde at konseho ng mga kalapit na munisipalidad sa Subic Bay Freeport na magpasa rin ng resolusyon bilang suporta sa mga kawani ng SBMA.