MANILA, Philippines - Bulagta ang apat na rebeldeng New People’s Army at isang sundalo sa naganap na madugong sagupaan sa liblib na bahagi ng Barangay Mabini sa bayan ng Basey, Samar kamakalawa ng gabi. Sa phone interview, sinabi ni Major Amado Gutierrez, spokesperson ng Army’s 8th Infantry Division, bandang alas-6 ng gabi nang makasagupa ng tropa ng Army’s 82nd Reconnaissance Company ang mga armadong rebelde. Si Pfc Ryan Adolfo na una nang napaulat na malubhang nasugatan ay namatay habang ginagamot sa ospital.
Base sa mga residenteng nakasaksi sa sagupaan, nalagasan ng apat ang mga rebelde kung saan binitbit ang bangkay at inilibing sa kagubatan.
Nabatid na nagsasagawa ng combat operation ang tropa ng Army’s 801st Infantry Brigade sa pamumuno ni Col. Leoncio Cirunay Jr. nang makatanggap ng impormasyon laban sa mga rebelde na nangingikil at nangha-harass ng mga residente.
Mabilis na rumesponde ang mga sundalo na nauwi sa limang minutong bakbakan.
Napilitan naman ang mga rebelde na magsiatras bitbit ang mga nalagas sa kabarong NPA patungo sa direksyon ng kagubatan.