MANILA, Philippines – Bagsak kalaboso ang 68-anyos na lolo at ang kerida nito matapos ireklamo ng lehitimong asawa ng matanda na ipinaaresto sa pulisya ang magkalaguyo sa Barangay Sta. Cruz, Dapitan City, Zamboanga del Norte kamakalawa. Pormal na kinasuhan ang dalawa na sina Josedina Hamdan, 49; at Amado Tumapon na kapwa nakatira sa Barangay Bagting. Sa ulat na isinumite sa Camp Crame, bandang alas-8:30 ng umaga nang masakote ang magkalaguyo sa bisa ng warrant of arrest na inisyu ni Judge Jose Rene Dondoyano ng Dapitan City Regional Trial Court. Nabatid na ang dalawa ay nagsama sa iisang bubong kung saan hindi nagdalawang isip ang legal na misis na kasuhan ang magkalaguyo.