MANILA, Philippines – Tatlong notoryus na kidnaper ang napatay habang nasagip naman ang 14-anyos na anak ng trader sa rescue operation ng pulisya na nauwi sa shootout sa bayan ng San Juan, Abra kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga napatay na kidnaper na sina Ademar “Lando” Hilario, Edward “Mario” Salvador, at Edison “Boyet” Salvador.
Sa ulat ng PNP-Anti Kidnapping Task Group (PNP-AKTG) na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-4:30 ng madaling araw nang magsagawa ng rescue operation ang mga operatiba ng pulisya upang sagipin ang biktima na ipinatago ng pamilya nito sa pangalang John.
Sa imbestigasyon, ang biktima at ang ina nito ay dinukot ng mga armadong kalalakihan sa bayan ng Paniqui, Tarlac noong Disyembre 28.
Gayon pa man, pinalaya ang ina ng bata noong Pebrero 9 upang magdelihensya ng ransom kapalit ng kalayaan ng binatilyong anak.
Agad namang nakipagkoordinasyon ang ina ng biktima sa PNP-Anti Kidnapping Group kung saan agad nagsagawa ng follow-up operations hanggang sa isang tipster ang magbigay ng impormasyon sa kinaroroonan ng bata.
Nasorpresa naman ang mga kidnaper nang mapalibutan ng arresting team ang pinagkukutaan kung saan nauwi sa shootout at napatay ang tatlong kidnaper.
Narekober sa pinangyarihan ng shootout ang tatlong cal. 9mm pistol, cal. 38 revolver at isang Ingram submachine gun.
Kaugnay nito, umapela naman si Fajardo sa pamilya ng mga biktima ng kidnapping na makipag-ugnayan sa mga awtoridad para sa ikareresolba ng kaso.