MANILA, Philippines – Umaabot sa P2 M halaga ng mga prutas na saging ang naabo makaraang sunugin ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) ang isang container van ng DOLE Philippines sa Brgy. Guinhalinan, Barobo, Surigao del Sur kamakalawa ng hapon.
Sa ulat, sinabi ni CARAGA Police Spokesman Supt. Martin Gamba, dakong alas- 4:56 ng hapon nang harangin ng pitong armadong rebelde ang container van ng DOLE Philippines na puno ng kargang mga prutas na saging.
Ayon kay Gamba, walang nagawa ang pahinante at driver ng container van na si Edgar Fedillaga makaraang tutukan ng pitong mga rebelde na pawang armado ng AK 47 rifle sa nasabing lugar.
Sinabi ni Gamba na ang container van na may markings na GESEACO na may body number GESU 937712-9 na nakakabit sa isang kulay dalandan na Prime Mover (TYA 973) na pagaari ng negosyanteng si Allan Bernal ng Barobo, Surigao del Sur.
Sa imbestigasyon, galing ang container van sa DOLE Philippines Plantation at Brgy. Guinhalinan patungong Davao City nang harangin ng mga armadong rebelde na pinababa sa behikulo ang driver at mga pahinante.
Kinumpiska ng mga rebelde ang cellular phone ng driver, pinabuksan ang container van na binuhusan ng isa sa mga ito ng dalawang galon ng gasolina saka sinilaban hanggang sa magliyab at maabo.
Lumilitaw naman sa pagsisiyasat na ang kabiguang magbayad ng revolutionary tax ng pangasiwaan ng DOLE Philippines sa mga rebeldeng komunista ang motibo ng panununog.