Granada sumabog sa bahay ng ex-mayor: Mag-utol patay
MANILA, Philippines - Patay ang magkapatid na caretaker, habang isa pa ang malubhang nasugatan makaraang sumabog ang pinaglaruang granada ng isa sa mga biktima sa loob ng tahanan ng isang dating alkalde sa bayan ng Banisilan, North Cotabato kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawing biktima na sina Romar “Tata” Anarilla, 24 at Benjie Anarilla, 15; kapwa caretaker sa bahay ni dating Banisilan Mayor Floro Allado.
Isinugod naman sa Maramag Hospital ang sugatang biktima na si Cocoy Allado, pamangkin ng dating alkalde.
Sa ulat ni Senior Inspector Aldrin Gonzales, tagapagsalita ng Central Mindanao Regional Police, naganap ang insidente sa Brgy. Poblacion, Banisilan ng lalawigang ito bandang alas-7 ng gabi.
Ayon sa imbestigasyon, pinaglaruan ng isa sa mga nasawing biktima ang nasabing granada. Natanggal ang pin ng granada kung saan sa lakas ng pagsabog ay halos nagutay ang katawan ng magkapatid.
Nagkataon namang wala sa kaniyang bahay ang alkalde nang mangyari ang pagsabog.
Isinasailalim pa ng mga awtoridad sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest