MANILA, Philippines – Sumuko na ang isang adik na pulis na nasa likod ng panghahagis ng granada na ikinasawi ng kanyang hepe at deputy commander sa Bukidnon.
Sumuko ang suspek na si PO1 Gorospe Cairo, 34, kay Cabanglasan Mayor Reynante Enocando at Lantapan Vice Mayor Ernie Devivar matapos makumbinsi ng mga tauhan ng Bukidnon provincial police.
Sinamahan si Cairo ng kanyang ama nang sumuko sa Barangay Iba, Cabangalasan, Bukidnon bandang 5:30 kahapon.
Nasawi sa pagsabog sina Senior Inspector Crisanto Molina, hepe ng Cabanglasan police, at deputy commander, Inspector Dexter Garcia.
Nadamay din sa pagsabog ang isang 15-anyos na binatilyo na ngayon ay nagpapagaling.
Isa si Gorospe sa dalawang pulis na nagpositibo sa drug test noong kamakalawa kaya dinisarmahan kaagad ni Molina.
Nahaharap sa kasong double murder at frustrated murder si Cairo.