Jeepney vs motorbike: 3 patay
MANILA, Philippines – Tatlong miyembro ng pamilya kabilang ang dalawang bata ang namatay habang isa naman ang nasa kritikal na kalagayan makaraang magsalpukan ang pampasaherong jeepney at motorsiklo sa Raja Muda Mandi Road, Zamboanga City kamakalawa ng gabi.
Kinilala ni P/Inspector Dahlan Samuddin, spokesman ng PNP regional office, ang mga biktima na sina Clarence Gutib, 3; Janylle Gutib, 5; at si Edward Gutib, ama ng dalawang bata.
Patuloy namang ginagamot sa Brent Hospital ang ina na si Monina Gutib.
Lulan ng motorsiklo ang mag-anak nang mabangga ng pampasaherong jeepney (JVB-937) na minamaneho ni Mohammad Nur Tindin Pangambayan na patungo sa kanlurang destinasyon.
Masyadong mabilis ang jeepney kaya tuluy-tuloy na sinalpok ang motorsiklo na sinasakyan ng mga biktima kung saan sa lakas ng pagkakabangga ay tumilapon ang mag-anak.
Arestado naman ang driver ng jeepney na ngayo’y humihimas ng rehas na bakal sa himpilan ng pulisya.
- Latest