Pulis-adik rumesbak: Hepe, deputy utas

MANILA, Philippines – Magkasabay na sinalubong ni kamatayan ang hepe ng pulisya at deputy nito matapos na hagisan ng granada ng bagitong  pulis na nagpositibo sa drug test ang himpilan ng pulisya sa bayan ng Cabanglasan, Bukidnon noong Lunes ng gabi.

Sa ulat ni P/Chief Supt. Agrimero Cruz Jr., PNP regional director 10, si P/Senior Insp. Chris Molina na hepe ng Cabanglasan PNP ay idineklarang patay sa Provincial Hospital sa Malaybalay City habang si P/Insp. Dexter Garcia, deputy chief of police  ay namatay habang ginagamot sa Malaybalay Polymedic Hospital.

Pinaghahanap naman ang suspek na si PO1 Go­rospe Cairo na isinasailalim sa dismissal proceedings matapos itong magpositibo sa drug test  na isinagawa noong Enero 2015.

Sa imbestigasyon, naganap ang insidente sa kusina ng himpilan ng Cabanglasan PNP habang nagsasalu-salo sa pagkain ang mga biktima kasama ang mga tauhan kaugnay ng kaarawan ng isang pulis.

Gayon pa man, sa gitna ng kasiyahan ay bigla na lamang inihagis ni PO1 Cairo, ang dalawang granada kung saan nasapol sina Molina at Garcia.

Kapwa duguang bumulagta ang dalawa matapos masapul sa pagsabog ng da­lawang granada kung saan nagpulasan naman ang ibang pulis habang na­katakas naman si PO1 Cairo.

Nabatid na nag-ugat ang pagpapasabog matapos na kastiguhin ng dalawang opisyal si PO1 Cairo na dinisarmahan dahil nagposi­tibo ito sa random drug test na isinagawa sa nasabing himpilan.

Isinalang din sa dismissal proceedings si PO1 Cairo kung saan nagtanim ito ng galit sa dalawang opisyal na patraydor nitong niresbakan.

Show comments