MANILA, Philippines – Matapos ang 16-araw na pagkakabihag, pinalaya na ng mga kidnaper ang Koreanong mining executive sa bayan ng Saguiaran, Lanao del Norte noong Martes ng gabi.
Sa ulat ni Army’s 1st Infantry Division spokesman Captain Salvador Suelto, kinilala ang bihag na si Sung Ki Yoon.
Base sa ulat, kasalukuyang nagsasagawa ng checkpoint ang mga awtoridad nang mamataan ang biktima sa bisinidad ng Barangay Pawak bandang alas-11 ng gabi.
Agad namang tinulungan ng mga operatiba ng pulisya ang pagod na pagod na Koreano habang naglalakad.
Itinurnover naman ang Koreano kay P/Chief Inspector Mike Duran, hepe ng PNP Anti Kidnapping Task Force kung saan agad itong isinailalim sa debriefing.
Bandang alas -12 naman ng hatinggabi nang salubungin ng kaniyang pamilya si Yoon sa Iligan City kung saan inaalam kung nagbayad ng ransom ang pamilya ng bihag kapalit ng kalayaan nito
Magugunita na ang biktima na nakabase sa Cagayan de Oro City ay dinukot ng mga di-kilalang kalalakihan noong Enero 19 matapos itong bumiyahe sa Marawi City, Lanao del Norte.