BATANGAS, Philippines - Dalawang piloto ng Phil. Air Force ang namatay makaraang bumagsak ang kanilang trainer plane habang nagsasagawa ng air exhibition sa Barangay Bucana, bayan ng Nasugbu, Batangas kahapon ng umaga .
Kinilala ni P/Chief Inspector Pablo Aguda, hepe ng Nasugbu PNP ang mga biktima na sina 1st Lt. Nazer Jana at Captain John Bayao na mga beteranong piloto ng Philippine Air Force.
Ayon sa report, nagsasagawa ng practice air exhibition ang dalawang piloto para sa gaganaping selebrasyon ng Liberation Day gamit ang SF-260FH No.1034 nang magkaproblema ang makina hanggang sa bumagsak sa karagatan na may 150 metrong layo sa dalampasigan ng Barangay Bucana sa nasabing bayan bandang alas-9:45 ng umaga
Nabatid na nagtake-off ang nasabing eroplano sa Fernando Air Base sa Lipa City, Batangas bandang alas-9:07 ng umaga.
Kaagad na rumesponde ang search and rescue team ng Philippine Air Force kabilang ang ilang chopper mula sa Villamor Air Base sa Pasay City para hanapin ang dalawang piloto.
Matapos ang ilang oras na paghahanap ay narekober ang mga bangkay ng dalawang piloto sa may 20-metrong lalim ng dagat kung saan dinala na sa Maynila.
Kaugnay nito, sinabi ni PAF spokesperson Col. Rico Canaya na bumuo na ang PAF ng probe team upang imbestigahan ang sanhi ng pagbagsak ng training aircraft.