NORTH COTABATO, Philippines – Tatlo-katao kabilang ang dalawang bomber ang namatay makaraang sumabog nang wala sa oras ang bombang bitbit ng dalawa habang nagmomotorsiklo sa Manuel Quezon Avenue, Barangay Poblacion sa bayan ng Pikit, North Cotabato kamakalawa ng gabi.
Base sa police report na isinumite kay Pikit Task Force Commander P/Supt. Jordine Maribojo, kinilala ang dalawang bomber na sina Asrap Mohamad, 28; at Jhomar “Gapor” Palaguyan, 27, kapwa nakatira sa bayan ng Balatikan sa nabanggit na bayan.
Samantala, namatay naman sa Kabacan Medical Hospital ang sibilyang si Frouline Hera, 36, may asawa at nakatira sa Barangay Calawag sa nabanggit na bayan.
Sa ulat ng pulisya, lulan ng motorsiklo ang dalawang bomber nang biglang sumabog ang improvised explosive device sa backpack ni Mohamad.
Maging ang sibilyang si Hera na naglalakd sa kalsada ay tinamaan ng mga shrapnel ng bomba kung saan nagulantang ang mga nagpapatrolyang pulis sa pangunguna ni P/Insp. Sindato Karim.
Sa beripikasyon ng pulisya, lumilitaw na ang motorsiklong ginamit nina Mohamad at Palaguyan ay nakarehistro sa pangalang Elias Curiba Galendez Jr. ng Romagooc, Kibawe, Bukidnon habang patuloy naman ang imbestigasyon.