BATANGAS, Philippines – Kalaboso ang bagitong pulis matapos na arestuhin ng kanilang alkalde dahil sa walang habas na pagpapaputok ng kanyang baril sa selebrasyon ng barrio fiesta sa Tanauan City noong Sabado ng gabi.
Dinisarmahan ni Tanauan City mayor Antonio Halili si PO2 Darius Canovas habang dumadaan ang prusisyon ni Señora Dela Paz sa Brgy. Balele bandang alas-7:15 ng gabi.
Sa report, kadadalo lamang umano ni Mayor Halili sa isang birthday celebration sa naturang barangay at papaalis na nang maipit sa prusisyon ang convoy nito
Batay sa mga saksi, nang makarating na ang prusisyon sa harap ng bahay ni PO2 Canovas, bigla na lang nagpaputok sa ere ang pulis na ikinagulat ng mga security escort ni Mayor Halili.
“Akala nga ng mga security ni mayor in-ambush na sila dahil sa sunod-sunod na putok ng baril” pahayag ni Tanauan public information officer Gerard Laresma.
Agad umanong bumaba sa sasakyan si Halili at inutusan ang kanyang police escort na arestuhin si PO2 Canovas.
“Ang pagpapairal natin ng batas laban sa indiscriminate firing ay walang kinikilala, pulis man o sibilyan. Kapag nag-exempt tayo ng isa, dapat exempted na lahat, na hindi naman maaari” ani Halili.
Si PO2 Canovas, nakatalaga bilang close-in security ni Lipa City mayor Maynard Sabili, ay nahaharap sa kasong indiscriminate firing, alarm and scandal at kasong administratibo.