TUGUEGARAO CITY, Philippines - Sinampahan na ng kasong kriminal ang pangunahing suspek sa pagpatay sa mediamen na si Jacinto “Jack” Torqueza na pinagbabaril noong Oktubre 8 ng nakalipas na taon sa Tayum, Abra.
Ang natukoy na suspek na si Jay Jay Tugadi ay sinampahan ng kasong murder. Ayon kay Insp. Mary Grace Marron, Spokesperson ng Abra Police ang pagkakasangkot ni Tugadi sa pagpatay kay Turqueza ay batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Investigating Task Group na binuo ni Abra Police Director Sr. Supt. Albertito Garcia at sa pakikipagtulungan ng biyuda ng biktima na si Milagrina Peralta Turqueza.
Ayon sa ulat ng Task Group, si Tugadi ay positibong kinilala ng mga saksi na bumaril at nakapatay kay Turqueza, 47 anyos habang sakay ito sa kanyang motorsiklo sa Taft St, Zone 5, Bangued sa harapan ng Mike’s Department Store dakong alas-6:25 ng gabi noong Oktubre 8, 2014.
Kasalukuyang Administrative Officer ng Office of the Provincial Prosecutor si Torqueza sa Bangued noong ito ay paslangin. Sinasabing marami ring ibinulgar na katiwalian si Turqueza noon ito ay isa pang mediaman sa radyo at dyaryo.