COTABATO, Philippines - Dalawa katao ang iniulat na nasawi habang tinataya namang mahigit sa 15,000 residente ang naapektuhan sanhi ng flashflood o mga pagbaha sa anim na bayan ng North Cotabato, ayon sa ulat kahapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Marc Ren Amores, 14 anyos ng Brgy. Bangilan, Kabacan at ang magsasakang si Winnie Pajenado, 61-anyos, nalunod naman sa Arakan; pawang ng nasabing lalawigan.
Sa ulat ng Office of Civil Defense (OCD) Region 12, nagulantang na lamang ang mga residente sa pagragasa ng baha sa kanilang lugar nitong Huwebes sanhi ng malalakas na pagbuhos ng ulan.
Pinakagrabe namang naapektuhan ng mga pagbaha ay ang Brgy. Poblacion, Dagupan, Katidtuan, Aringay, Bangilan, Kayaga, Plang sa bayan ng Kabacan kung saan nasa 15,000 ang naapektuhan na karamihan ay nagsilikas.
Samantalang bunsod ng mga pagbaha ay sinuspinde angklase sa University of Southern Mindanao. Apektado rin ng mga pagbaha ang mga bayan ng Pikit, Matalam, Magpet at President Roxas na nakaapekto sa libong katao sa lugar.